Takaw-pansin ang makulay na pabalat ng Layag. Tila pino itong lambat na humuhuli sa madulas at malabnaw na atensiyon ng mga katulad kong mahilig luminga-linga sa bookstore. Nang makita ko kung tungkol saan ang aklat, hindi na ako nakatakas sa pang-aakit—madalian ko nang binili.
Paano ba naman, nagkataon na may kasalukuyan akong pagsisikap na magbasa ng mga akdang klasiko. Minsan hindi ko matiis ang pagbabasa ng ‘importanteng’ panitikan. Isang antolohiya ang Layag ng mga maiikling kuwento at salaysay ng mga sikat na Europeong manunulat, ng mga tulad nina Guy de Maupassant at Luigi Pirandello. Halos lahat ng mga awtor ay pinanganak noong gitna hanggang hulihan ng ika-19 na siglo; karamihan ng mga akdang kasali ay naglalarawan ng mundong Kanluran sa panahon ding iyon, at sa mga batang dekada ng ika-20 na siglo.
Sa totoo, akala ko dadagdag lang ang Layag sa tambak ng mga babasahing iniipon ko sa bahay, ngunit sinimulan ko agad at mabilis ko itong natapos. Hindi ko kasi maitanggi ang husay ng sari-saring estilo na itinatampok sa lipon ng mga kuwento. Iba-iba ang pakiramdam na dinudulot nito: may nakakatawa (Ang Pagligo sa Araw ni Janko Jesenský), may nakakasabik (Pagtakas Tungo sa Buhay na Walang Hanggan ni Stefan Zweig), may nakakapanlumo (Ang Hosier at Ang Anak Niyang Dalaga ni Steen Steensen Blicher), may nakakatakot (Ang Horla ni Guy de Maupassant) o nakakakilabot (Satan ni Ramón del Valle-Inclán). Ngunit, pinakamadalas, ang naiiwang pakiramdam ng mga kuwento ay pagkalumbay. Marahil ay dahil ito sa paksa, lugar at panahon na pinagmumulan ng mga kaganapan: ang romantikong Europa ng nakalipas na siglo. Sa pagsunod ko sa mga kaganapang inilalarawan ng mga salita, kusa na itong ipinipinta ng aking isip sa mapanglaw na mga kulay. Natural sa Layag ang taglay nitong nostalgia.