Pagsasalin, paglalayag

Sa pagsasalin ng mga kuwento, ang mga banyagang kaligayahan at pasakit ay ganap naring nagiging atin.

Advertisements
The colorful cover artwork of the book ‘Layag: European Classics in Filipino’.

Takaw-pansin ang makulay na pabalat ng Layag. Tila pino itong lambat na humuhuli sa madulas at malabnaw na atensiyon ng mga katulad kong mahilig luminga-linga sa bookstore. Nang makita ko kung tungkol saan ang aklat, hindi na ako nakatakas sa pang-aakit—madalian ko nang binili.

Paano ba naman, nagkataon na may kasalukuyan akong pagsisikap na magbasa ng mga akdang klasiko. Minsan hindi ko matiis ang pagbabasa ng ‘importanteng’ panitikan. Isang antolohiya ang Layag ng mga maiikling kuwento at salaysay ng mga sikat na Europeong manunulat, ng mga tulad nina Guy de Maupassant at Luigi Pirandello. Halos lahat ng mga awtor ay pinanganak noong gitna hanggang hulihan ng ika-19 na siglo; karamihan ng mga akdang kasali ay naglalarawan ng mundong Kanluran sa panahon ding iyon, at sa mga batang dekada ng ika-20 na siglo.

Sa totoo, akala ko dadagdag lang ang Layag sa tambak ng mga babasahing iniipon ko sa bahay, ngunit sinimulan ko agad at mabilis ko itong natapos. Hindi ko kasi maitanggi ang husay ng sari-saring estilo na itinatampok sa lipon ng mga kuwento. Iba-iba ang pakiramdam na dinudulot nito: may nakakatawa (Ang Pagligo sa Araw ni Janko Jesenský), may nakakasabik (Pagtakas Tungo sa Buhay na Walang Hanggan ni Stefan Zweig), may nakakapanlumo (Ang Hosier at Ang Anak Niyang Dalaga ni Steen Steensen Blicher), may nakakatakot (Ang Horla ni Guy de Maupassant) o nakakakilabot (Satan ni Ramón del Valle-Inclán). Ngunit, pinakamadalas, ang naiiwang pakiramdam ng mga kuwento ay pagkalumbay. Marahil ay dahil ito sa paksa, lugar at panahon na pinagmumulan ng mga kaganapan: ang romantikong Europa ng nakalipas na siglo. Sa pagsunod ko sa mga kaganapang inilalarawan ng mga salita, kusa na itong ipinipinta ng aking isip sa mapanglaw na mga kulay. Natural sa Layag ang taglay nitong nostalgia.

Ang kahalagahan ng Layag, para sa ating panitikan, ay ang pagsasalin ng mga napiling akda sa wikang Filipino. Mula sa likuran ng aklat:

Halos limang daang taon na ang nakalilipas mula nang dumating sa Pilipinas ang mga unang Europeo pagkaraan ng milya-milyang paglalayag sa mga karagatan na noo’y imposible pang maraanan. Ngayon, ang mga Filipino ang gagalugad sa di-pamilyar na lugar sa pamamagitan ng Layag: European Classics in Filipino.

Malinaw ang dahilan sa pamagat ng antolohiya. Itinuturing—hinaharaya—ng akda ang sarili bilang isang mapusok na akto ng pag-galugad sa mga banyagang lupain. Ipinaparamdam, ngunit hindi binabanggit, ng aklat ang nakaraang ugnayan ng Filipinas sa Europa: ang di-patas na ugnayan ng kolonyalismo. At ang Layag ay tila paghingi ng tawad para sa nakaraang ito; isa ngayon itong akto ng pagbaliktad sa relasyon. Ngayon, ang Filipino ang mananakop. Ngayon, ang mga lupain at yamang karanasan ng Europa ang sasakupin—kahit sa pahina at imahinasyon lamang. Sa pagsalin sa mga kuwentong Europeo sa wikang katutubo ng Filipinas, nailalantad ang hubad na kaluluwang banyaga, para sa ikauunlad ng sarili nating kultura.

The port area in Legazpi City, with boats, a ship, and the Embarcadero mall.

Ngayon, sa katunayan ay matagal naman nang abot-kamay ng mga Filipino ang mga karanasan at kuwentong kasali sa Layag—ngunit sa saling Ingles. Ano ba ang pinagkaiba? Marami namang Filipino ang nakakapag-aral at nakakaintindi ng Ingles. Ito na ang laganap na idyoma ng edukasyon, lalo na sa matataas na institusyong akademiko.

Pero nakasisiguro ako na maraming katulad ko na, kahit na mapalad at nahasa na ang isip sa pandaigdigang wikang Ingles, lubos lang nakakadama kung ang pangungusap ay nasa Filipino. Malayo ang nararating ng isip, ng intellect, sa lengguwaheng Ingles (na sa totoo lamang ay kaya din sa Filipino). Ngunit sa mga tulad kong lumaki at nagkamalay sa katutubong wika, ang pinakakailaliman ng kaluluwa’t diwa ay naabot lamang ng salitang Filipino.

Hindi lang naman siguro ako labis na sentimental. Natitiyak kong kahit ang agham ay may mailalabas na paliwanag para dito. Ang sarap sa pagbabasa sa sariling wika—na sa akin ay nagpapaandar ng utak, nagpapadaloy ng dugong lingguwistika sa kakaibang paraan—ay may kinalaman marahil sa sikolohiya ng wika at karanasan. Ang katulad ko’y natuto ng Inggles sa pormal na tagpuan lamang—sa eskuwela, sa trabaho, sa aklatan—ngunit sa pang-araw-araw ay Filipino naman ang salita ko. Samakatuwid, ang Inggles ko’y nakadikit sa pormal na aktibidad, ngunit Filipino ang wika ng aking pang-araw-araw na karanasan, pandama, at pakikipag-ugnayan sa ibang tao. Kaya ang nasusulat at naririnig sa Filipino ay nagdudulot sa akin ng mga matalik na damdamin na hindi mahikayat ng ibang wika.

Hula lang ito, hindi ako magpapanggap na dalubhasa sa sikolohiya o lingguwistika o anuman. Ang alam at nasisiguro ko lang, ay may natatanging kapangyarihang sumasakop sa diwa ko kapag umiintindi sa wikang kinalakihan ko na. Sa pagbasa ko ng Layag, maaaring pinag-uusapan ang isang palasyong gotika sa España, ang Puszta ng Hungary, o ang ilog Seine ng Paris, ngunit dahil Filipino ang gamit, ang tanawin ay malinaw, ang mga tauhan ay buhay, at ang nadarama ay tunay na akin.

Maaaring nakaupo lamang ako habang nagbabasa, ngunit ang karanasan ay tila tunay na paglalayag.

A boat on the Mactan Channel during a fluvial parade in honor of Sto. Niño.

Ang mga larawan ay kuha ng manunulat.

10 thoughts on “Pagsasalin, paglalayag”

    1. I’ve heard about that! But no, not yet, I don’t think it’s been screened in the Philippines.

      I’ve seen some of that director’s (Carlo Manatad) works, including his thesis film back at UP. He’s good, though his films tend to be difficult (to understand).

      1. I would have assumed that since they’re repping Philippines that they at least tried screening there first. That’s strange.

        What sort of perspective do his films require?

      2. Quite a lot of Filipino films actually premiere abroad these days. They do the international festival circuit before coming home.

        The last one I saw from Manatad, ‘Space Shuttle Pinas 25’, is what I’d describe as absurdist. It’s very vague, sort of impressionist. I’m not even sure I understood it! I get a feel for what it’s trying to say in general, but I couldn’t connect the specific scenes in the film to that main idea.

        According to the premise of ‘Jodilerks’, it’s a political commentary, but I don’t expect it to have a straightforward story either.

  1. Uy, interesting ito! Ayon sa website ng National, si Czech Ambassador Jaroslav Olsa Jr ang author ng libro — siya ba ang translator kung ganon? May bearing ba sa ‘yo kung ang nagsalin ay Europeo rin? Naisip ko lang kasi natuwa ako sa insight mo tungkol sa pagbalikwas ng colonial relationship ng Pinas at Europa via translation. Hindi ko alam kung naisama — o kung sa tingin mo dapat bang isama — sa analisis ang background ng author hehe.

    Nami-miss ko talaga ang mga akdang Filipino huhu. Wala kasing mga e-copy na pwedeng bilhin online e. At nakakalungkot talaga na hindi na Filipino ang gamit ko sa pang-araw-araw na pananalita at pagmumuni. Sa sunod na uwi ko diyan magdadala na ako rito ng kopya ng UP Diksiyonaryong Filipino, ‘yung pagkabigat-bigat na libro haha.

    And by the way, ang gaganda ng pictures! 🙂

    1. Ah, hindi, siya lang ‘yung pumili nung mga kwento. Si Ellen Sicat ang nag-translate ng karamihan nung mga kasaling istorya. ‘Yung nga e—ang dayuhan ang pumili ng kwento, pero ang Pinoy parin ang gumawa ng trabaho. Dayuhan tungong lokal parin ang pagkilos. Pero unfair naman kung iisipin ko ‘yun, kasi iilan lang ba ang dayuhang magaling sa Tagalog o kahit anong wikang Filipino? Kaya matutuwa pa ako kung may Europeong magsasalin mula katutubong wika niya tungong Tagalog. Bukod sa sign ‘yun na nakikita nilang mahalaga din ang wika natin, naku-curious din ako kung paano magsalita at mag-isip ng Tagalog ang mga nag-aral lang nito.

      Katabi ko ‘yung kopya ko nun habang sinusulat ko ‘to hahaha. Oo nga, mahal din magpa-shipping no’n.

      Salamat! Nag-effort ako sa editing, na tatawagin kong ‘post-processing’, para feeling pro. 😛

      1. Ay nice. Kahit dayuhan tungong lokal ang mode ng produksyon, ‘yung mismong pagsasalin ng mga akda ang tila sumalungat sa naturang power relations. Kasi this time, tayo naman ang umangkin (kahit paano? sort of?). Although parang medyo isolated ang effect kasi sino-sino lang naman ang nagbabasa ng mga akda sa Filipino haha.

        May nabasa pala akong translation ng tula ni Rolando Tinio, akala ko foreigner ang nagsalin. Nang hinanap ko na ang link para ilagay sana dito, apparently Pinoy immigrant pala si madam haha. Ito ang link kung interesado ka haha: http://arcade.stanford.edu/blogs/translating-postscript

      2. Hula ko nga, ang pinaka-malaking market ng books in Filipino, Filipino writers din, and most of these writers are also teachers, because for most of them that’s the only way to make it financially viable. Iilan lang siguro ‘yung nagbabasa lang pero hindi manunulat.

        Sabi ni Talusan, “the jumble of languages…is necessarily more muted in my translation.” Na-isip ko ‘yan kailan lang, dahil din dito sa Layag, na ang pinakamahirap sigurong i-translate na aspect ng kahit anong text ay ‘yung bilingual parts, especially when the very use of bilingualism signifies something. What if the solution is for the translation to also be bilingual, just in a different set of languages? It does defeat the purpose. Pero I concluded: everyone in the world should at least be bilingual. No excuses, English speakers! Haha, sabaw lang.

      3. I mean, nariyan naman ang mga bestsellers gaya nina Bob Ong at Alex Gonzaga haha. Pero true, kahit sa schools wala gaanong interesado sa Tagalog/Filipino. At lalo pang mababawasan ‘yan kasi 21 units na lang ang GE! Charotz.

        At agree ako sa point mo on bilingual works being difficult to translate, lalo na kung ang layunin ng pagsasalin ay i-capture ang essence ng akda. Pero I don’t think solusyon ang paggamit/pagdagdag ng iba pang wika. Or I guess it depends haha. In Postscript’s case, bahagi kasi ng point ng tula ang English-Filipino disjunction. Siguro kapag gumamit ng ibang set of languages, it’s an entirely different poem na — could be pastiche or satire, pero definitely hindi na translation.

        At bilang mga mambabasa, dapat ang ultimate goal natin ay maging multilingual! Don’t settle at being bi! Hahahaha.

      4. Sabagay, oo nga, may mga Bob Ong at Precious Hearta pa naman. Masyado akong nakatuon sa ‘formal’ genres, for lack of a better word.

        Don’t settle at being bi, hahaha parang may pun. Recently nga nagppractice ulit akong magbasa ng Kastila. At ang motivation ko for choosing to study Spanish is its relation to our history/heritage din. (Sayang ‘di ako galing ng probinsya para by default may second Filipino language na akong alam haha. Naiinggit ako minsan sa mga kaibigan kong marunong ng Bisaya.)

Leave a comment

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s